MANILA, Philippines — Nakamit nina No. 2 overall pick Bobby Ray Parks Jr. at coach Aries Dimaunahan ang unang panalo sa kanilang PBA debut.
Ngunit hindi ito naging madali.
Nangailangan ang Blackwater ng extra period para lusutan ang Meralco, 94-91 sa pagsisimula ng 2019 PBA Commissioner’s Cup kahapon sa MOA Arena sa Pasay City.
Tumapos ang 6-foot-4 na si Parks na may 20 points, 8 rebounds, 3 steals at 2 assists habang humakot si balik-import Alex Stepheson ng 31 boards at 21 markers kagaya ni Mike Digregorio para sa 1-0 record ng Elite.
“Alex (Stapheson) is definitely a great fit for us,” ani Dimaunahan. “As I’ve said before, we were looking for an import who could protect the paint for us.”
Kumolekta naman si Nigerian Gani Lawal, ang 46th overall pick ng Phoenix Suns noong 2010 NBA Draft, na may 34 points at 21 rebounds sa panig ng Bolts.
Itinayo ng Meralco ang 42-37 abante sa halftime bago nila ito pinalobo sa 50-39 mula sa fastbreak layup ni guard Baser Amer sa 9:55 minuto ng third period.
Isang 17-2 atake naman ang inilunsad ng Blackwater para agawin ang 56-52 abante sa huling 4:14 minuto nito bago nagtabla sa 85-85 sa natitirang 45.8 segundo ng fourth quarter.
Nagkaroon si Stepheson ng tsansang maipanalo ang Elite kundi lamang niya naimintis ang dalawang free throws sa huling 25 segundo kasunod ang tumalbog na jumper ni Trevis Jackson sa panig ng Bolts patungo sa extra period.
Kumamada ng magkasunod na basket si Stepheson para sa Blackwater sa pagbubukas ng extension, habang itinabla ni Lawal ang Meralco sa 89-89 sa 51.8 segundo nito.
Ang tip in ni Mac Belo at dalawang foul shots ni Digregorio ang naglayo sa Elite sa 93-89 sa nalalabing 17.7 segundo na sinundan ng tip in ni Lawal para idikit ang Bolts sa 91-93 sa huling 11.1 segundo.
Matapos ang split ni Parks ay nagkaroon ng tsansa si Lawal na maitabla ang Meralco kundi lamang nagmintis ang kanyang 3-point attempt sa pagtunog ng final buzzer.