Humirit ng do-or-die
MANILA, Philippines — Bumawi ang Ateneo Lady Eagles sa University of Santo Tomas Tigresses, 26-24, 14-25, 25-21, 25-15 para itabla ang women’s best-of-three Finals series, 1-1 kahapon sa Season 81 UAAP volleyball tournament sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.
Nagsanib-puwersa sina Maddie Madayag, Kat Tolentino, Deanna Wong, Bea De Leon, Jules Samonte at Dani Ravena para putulin ang seven-game winning streak ng Tigresses at ipursige ang do-or-die battle sa Sabado.
Humataw ang graduating na si Madayag ng 17 puntos kabilang na ang 10 atake, apat na blocks at tatlong aces upang gumanti sa kanilang 17-25, 16-25, 20-25 talo sa mga kamay ng España-based Tigresses sa Game 1 noong Sabado.
Hindi rin nagpahuli ang libero na si Dani Ravena sa kanyang 12 excellent receptions at 22 excellent digs para sa top seed Lady Eagles at paabutin ang serye sa deciding Game 3 sa unang pagkakataon simula noong 2015.
“Pagkatapos ng Game 1, nag-usap kami at nangakong we have to go all-out sa Game 2. Sabi namin lalaban talaga kami. We asked ourselves why we are here and what we are up to. So, we were in one common view that we have to play and win the championship for Ateneo,” sabi ni Ravena.
Umiskor ang Season MVP na si Sisi Rondina ng 22 puntos para sa Tigresses katulong ang Rookie of the Year na si Eya Laure na nagkaroon ng sprained left ankle sa ikatlong set, ngunit pinipilit pa ring maglaro hanggang sa matapos ang laban.
Sa men’s division, mu-ling pinadapa ng National University Bulldogs ang FEU Tamaraws, 24-26, 25-23, 25-23, 25-19 upang angkinin ang pang-apat na men’s title
Umani ang Season MVP at Finals MVP na si Bryan Bagunas ng career-high 35 puntos, 12 digs at siyam na excellent receptions para makuha ang kanilang ikalawang back-to-back titles at 4th overall, ang una ay noong 2013.
Nag-ambag din ng kabuuang 15 puntos sina Rookie of the Year Nico Almendras at James Natividad para makopo ang kanilang ika-16th sunod na panalo sa Season na ito.
“Sobrang laking bagay sa amin ‘yun kasi galing nga kami sa ASEAN University Games na nag-champion kami and nag-training din kami sa Japan para paghandaan itong (UAAP), tapos biglang ganoon lang ang nangyari sa amin. Tingin ko nagising talaga ang team,” ayon naman kay NU coach Dante Alinsurin.