9 gold, 5 record pakay ni Mojdeh sa Canada Swim Meet
MANILA, Philippines — Pangungunahan ni Philippine national junior record holder Micaela Jasmine Mojdeh ang kampanya ng Philippine Swimming League-Swimming Pinas sa 2019 Ralph Hicken International Swimming Championship na idaraos mula Mayo 16 hanggang 19 sa Markham Pan Am Center sa Ontario, Canada.
Target ng Immaculate Heart of Mary College-Parañaque standout na si Mojdeh na walisin ang siyam na events na lalahukan nito sa girls’ 12-year category.
Nais din ni Mojdeh na wasakin ang limang rekord sa naturang torneo na lalahukan ng mahigit 500 tankers mula sa 25 koponan galing sa iba’t ibang panig ng mundo.
“It’s my first time to compete in Canada and I want to make an impact. I am extra motivated this time because I want to dedicate this tournament to my mentor Coach Susan Papa,” wika ni Mojdeh.
Masisilayan sa aksiyon si Mojdeh sa 50m breaststroke, 50m butterfly, 400m Individual Medley, 200m Individual Medley, 200m breaststroke, 100m butterfly, 200m butterfly, 100m freestyle at 100m breaststroke.
Galing si Mojdeh sa matagumpay na kampanya sa 2019 Palarong Pambansa sa Davao City kung saan kumana ito ng tatlong gintong medalya tampok ang dalawang bagong Philippine national junior records.
Winasak ni Mojdeh ang Philippine record sa 200m butterfly sa bilis na dalawang minuto at 22.69 segundo para tabunan ang Philippine junior record na 2:26.13 ni Regina Maria Paz Castrillo noong 2013 gayundin sa 200m IM nang ilista nito ang 2:30.11 para burahin ang dating marka ni Raven Faith Alcoseba na 2:31.04 na naitala sa Batang Pinoy National Championship noong 2015.
Makakasama ni Mojdeh sa Canada meet sina Francisco Cordero III (boys’ 13-year), Lia Patrizia Pabellon (girls’ 10-year), Saira Janelle Pabellon (girls’ 11-year), Jie Angela Talosig (girls’ 12-year) at John Alexander Talosig (boys’ 14-year).
Optimistiko si delegation head PSL Regional Director at Swimming Pinas team manager Joan Melissa Mojdeh sa magiging kampanya ng Pilipinas dahil matagal na itong pinaghandaan ng mga Pinoy tankers na sasabak sa torneo.
“They are all set and raring to compete against their foreign counterparts. We are optimistic, they prepared hard for this tournament. The kids are determined and motivated especially that this competition is dedicated for Coach Susan,” ani Mojdeh.
- Latest