Pinas magbi-bid para sa hosting ng Asian Games

MANILA, Philippines — Matapos ang 2019 Southeast Asian Games, posibleng lumahok sa bidding ang Pilipinas para sa pagtataguyod ng 2030 Asian Games.

Ito ang inihayag ni Bases Conversion and Development Authority (BCDA) president at CEO Vince Dizon na siyang nanga­ngalaga sa ginagawang venues sa New Clark City sa Pampanga.

“After the SEA Games, we plan to bid for the 2030 Asian Games,” ani Dizon.

Isang beses pa lang tumayong punong-abala ang Pilipinas sa Asian Games.

Ito ay noong ikalawang edisyon ng quadrennial meet noong 1954 kung saan pumangalawa ang Pilipinas sa medal tally ta­ngan ang 14 ginto, 14 pilak at 17 tanso sa ilalim ng overall champion Japan (38 golds, 36 silvers at 24 bronzes).

Sa Agosto ang target date para makumpleto ang konstruksiyon sa New Clark City sports complex na pagdarausan ng karamihan sa events ng SEA Games na idaraos sa Nobyembre 30 hanggang Disyembre 11.

Tiniyak ni Dizon na “on track” ang konstruksiyon ng sports complex at tiyak na aabot ito sa itinakdang deadline.

Buo na ang iba’t ibang pasilidad na itinatayo sa sports complex kabilang ang 20,000-seater main stadium gayundin ang aquatics center na kayang magpasok ng 2,000 manonood.

Kailangan na lamang ng ilang polishing bago ipre­senta sa publiko.

Tumama kamakailan ang magnitude 6.1 na lindol sa Zambales na katabing probinsiya ng Tarlac.

Ngunit ipinagmalaki ni Dizon na hindi naapektuhan ang ginagawang istruktura. “Yung mga structures na ginagawa hindi basta matitibag ng lindol. Kaya nito ang 8.1 magnitude na lindol kaya hindi siya naapektuhan,” aniya.

Maliban sa main stadium at aquatics center, binubuo rin ang Athletes Village na may mahigit 500 kuwarto na magsisilbing tirahan ng mga atleta at coaches sa biennial meet gayundin ang National Sports Training Center na isang training venue.

Kasama rin ang Philippine Institute for Sports at ang River Park Corridor na maaaring gamitin sa jogging, biking at iba pang events gaya ng zumba at mga larong Pinoy.

Show comments