Sa UAAP Finale
MANILA, Philippines — Bumawi ang Ateneo Lady Eagles sa Far Eastern University Lady Tamaraws, 25-20, 21-25, 25-23, 25-14 sa kanilang do-or-die battle kahapon upang angkinin ang huling Finals berth sa Season 81 UAAP volleyball tournament sa The Arena ng San Juan City.
Nagsanib puwersa sina Kat Tolentino, Maddie Madayag, Bea De Leon, Ponggay Gaston at Deanna Wong para makaganti sa FEU sa kanilang talo sa unang laro ng semis, 2-3 noong Sabado at muling pumasok sa Finals sa ika-pitong pagkakataon.
Dahil sa panalo, makakaharap ng Lady Eagles ang University of Santo Tomas Tigresses sa best-of-three championship series simula Sabado sa Araneta Coliseum.
Naunang pumasok ang Tigresses sa Finals matapos tanggalan ng korona ang three-time champion De La Salle Lady Spikers, 3-2 noong Linggo.
Ito pa lang ang unang pagtatagpo ng Ateneo at UST sa women’s Finals simula ng sumali ang Katipunan-based team noong 1978.
Hangad ng Lady Eagles ang ikatlong titulo sa women’s dvision kung saan huli silang nagkampeon noong 2015 sa panahon ni Alyssa Valdez.
Tumapos si Tolentino ng 19 puntos kabilang na ang 17 atake at dalawang blocks para sa tropa ni Oliver Almadro na pumasok sa Finals sa unang season bilang head coach ng women’s team ng Ateneo.
Dikit ang laban sa unang set kung saan walong beses sila nagpalitan ng kalamangan bago tuluyang nakuha ng Lady Eagles ang bentahe 25-20 sa loob ng 32 minuto.
Hindi basta-basta sumuko ang Lady Tamaraws at binuhay ang pag-asa sa pamamagitan ng pagsamantala sa 11 unforced errors ng Ateneo bukod sa 11 atake at tatlong aces para itabla ang laban, 25-21.
“It’s a good win coming from a tough loss for us last Saturday. We really worked hard for it. I couldn’t make it if not for my teammates, we worked together and we believe with each other. We are very thankful to be in the Finals,” sabi ni Tolentino.