MANILA, Philippines — Pinulbos ni Filipino pride Jerwin Ancajas si Japanese mandatory challenger Ryuichi Funai patungo sa seventh-round knockout win upang mapanatili ang International Boxing Federation super flyweight crown kahapon sa Stockton Arena sa Stockton, California.
Walang sinayang na sandali ang Panabo City, Davao del Norte pride nang ilabas ang matatalim na kumbinasyon at solidong suntok para gulpihin ang Japanese pug.
Duguan na ang ilong ni Funai subalit hindi ito agad sumuko sa pag-asang tatagal pa sa laban.
Dahil sa tinamong bugbog ni Funai, nagpasya na ang ring physician na huwag nang ituloy ang laban bago magsimula ang seventh round upang mapanatili ni Ancajas ang korona.
Ito ang ikapitong sunod na title defense ni Ancajas.
“Sobrang tapang din po niya (Funai). Sobrang tibay din. Makikita mo talaga sa kanya ‘yung pusong palaban,” sabi ni Ancajas na sumulong sa 31-1-2 rekord tampok ang 21 knockouts.
Nagtala si Ancajas ng 389 kabuuang suntok kung saan 163 dito ang kumonekta kay Funai.
Sa kabilang banda, hindi nakaporma ang Japanese fighter na mayroon lamang 199 pinakawalang suntok kung saan 48 ang tumama kay Ancajas.
Maganda ang kundisyon ni Ancajas na resulta aniya ng programang inihanda para sa kanya ng kanyang coaching staff.
Ilang pagbabago ang ginawa sa training gayundin sa pagkain kung saan kumuha pa ang Team Ancajas ng nutritionist para bantayan ang mga kinakain ng Pinoy champion.
“Maraming ginawang pagbabago sa training pati sa mga kinakain. Malaking tulong po yun para makuha ko yung magandang kundisyon ng pangangatawan. Matinding training din ang pinagdaanan ko para makuha itong panalo,” sabi pa ni Ancajas.
Itinuturing din niya itong “statement win” makaraang magtapos sa draw ang kanyang huling laban kay Alejandro Santiago noong Setyembre 29, 2018 na ginanap sa Oracle Arena sa Oakland, California.