MANILA, Philippines — Ipinakita ng University of Santo Tomas ang katatagan para tanggalan ng korona ang ‘three-peat’ champions na De La Salle University, 25-19, 25-19, 20-25, 21-25, 15-10, at angkinin ang unang Finals berth sa Season 81 UAAP women’s volleyball tournament kahapon sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.
Sa matikas na laro nina Sisi Rondina, Caitlyn Viray at rookie Eya Laure ay muling pumasok ang Tigresses sa best-of-three championship series mula sa 7th place finished noong nakaraang taon.
“Sa isip talaga namin hindi kami puweding mag-complacent dahil ipaglaban talaga namin ang UST. Salamat sa Panginoon nakuha namin ang panalo at sa wakas pumasok muli sa Finals,” sabi ni Laure.
Tinapos na rin ng UST ang mahabang walong taon bago muling umakyat sa UAAP Finals.
Ang 13-time champions ay huling nagreyna noong 2010 kung saan tinalo nila ang La Salle at huling pumasok sa Finals noong 2011 at natalo naman sa Lady Spikers.
Malakas ang tiwala ng Tigresses dahil sa kanilang 25-14,25-23,23-25,25-19 panalo kontra sa Lady Spikers sa playoff para sa No. 2 spot noong Mayo 1.
Lalabanan ng UST sa Finals ang mananalo sa pagitan ng top seed Ateneo Lady Eagles at fourth seed Far Eastern University Lady Tamaraws sa Miyerkules sa FilOil Flyng V Center sa San Juan City.
Tumapos si Eya Laure na may 25 points kabilang ang 21 attacks, 2 blocks at 2 aces, habang si Sisi Rondina ay nagdagdag ng 17 markers buhat sa 14 attacks, 1 block at 2 aces.
Samantala, nasungkit ng nagdedepensang National University Bulldogs ang kanilang ika-pitong sunod na Finals appearance matapos ilampaso ang Adamson Soaring Falcons, 25-19, 25-16, 25-20.
Ito ang pang-14 sunod na panalo ng NU.
Makakaharap muli ng Bulldogs ang Tamaraws sa best-of-three title series matapos maghari ang NU sa Season 75.
Tinalo naman ng FEU ang Ateneo, 21-25, 25-23, 25-22, 25-22, sa semis.