DARWIN, Australia — Nakuntento si Ariel Lee Lampacan sa silver medal sa muay competitions ng 2019 Arafura Games dito sa Darwin Convention Centre.
Ito ay matapos matalo ang 21-anyos na si Lampacan kay Sakchai Chamchit ng Thailand, 30-27 sa final round ng senior male Elite A 54-kilogram division.
Nangako si Lampacan na babawi sa kanyang paglahok sa darating na World Championships sa Bangkok, Thailand.
“Babawi tayo next time sa June sa World Championship,” wika ni Lampacan. “Pagbubutihin ko pa ‘yung training at hahasain ko pa ‘yung galaw ko.”
Isa si Lampacan sa apat na national muay athletes na nagdala sa kampanya ng Team Philippine na sinuportahan ng Philippine Sports Commission at Standard Insurance.
Kumolekta ang Nationals ng 30 golds, 48 silvers at 28 bronzes na inaasahang madaragdagan sa susunod na huling dalawang araw ng kompetisyon.
Tinalo nina Tagum City natives Hachaliah Gilbuena at Johnrel Amora ang Australia, 1-0, 21-12, 21-13 papasok sa round of 16 matapos magtala ng 2-0 marka sa Pool D.
Ito ang unang pagkakataon na nakipagtambal si Amora kay Gilbuena sa isang international competition matapos magtuwang para sa University of Mindanao-Tagum.
“Hindi ako makapaniwala kasi ang tatangkad nila. Nag-focus lang talaga kami sa laro. Points na lang po talaga ‘yung nasa isip namin kahit hindi na makapalo,” ani Amora.
Binigo naman ng men’s doubles sepak takraw team nina Dominic James Sagosoy, Aljon Ypon at Jundy Puton ng Davao City ang Australia B via straight sets para walisin ang pool play bitbit ang 4-0 record.