Nuggets tinunaw ang Blazers sa Game 1

Nagdagdag si guard Jamal Murray ng 23 points para sa Denver, nasa kanilang unang second round series matapos ang isang dekada habang may 19 markers si Paul Millsap.
AFP

DENVER — Humakot si center Nikola Jokic ng 37 points at nalampasan ng Nuggets ang iniskor na 39 markers ni Damian Lillard para talunin ang  Portland Trail Blazers, 121-113 sa Game One ng kanilang second-round playoff series sa Western Conference.

Nagdagdag si guard Jamal Murray ng 23 points para sa Denver, nasa kanilang unang second round series matapos ang isang dekada habang may 19 markers si Paul Millsap.

Nakatakda ang Game Two sa Miyerkules sa Pepsi Center.

Naimintis naman ni Lillard, umiskor ng 50 points, kasama ang 37-footer sa pagtunog ng final buzzer para sibakin ang Oklahoma City Thunder sa Game Five sa first round, ang 8 sa kanyang 12 three-point attempts sa panig ng Portland.

Ang back-to-back layups ni Lillard ang naglapit sa Trail Blazers sa five points sa unang tatlong minuto ng fourth period bago nakalayo ang Nuggets sa 107-96 mula sa dalawang free throws ni Jokic.

Nakakuha ang Portland kay Enes Kanter, nagkaroon ng separated left shoulder sa Game Five laban sa Oklahoma City, ng 14 points.

Sa Toronto, kumolek­ta si Jimmy Butler ng 30 points at 11 rebounds habang tumipa si James Ennis ng 13 points para tulungan ang Philadelphia 76ers sa 94-89 paggupo sa Raptors sa Game Two at itabla sa 1-1 ang kanilang second round duel.

Ito ang unang panalo ng Philadelphia sa Toronto simula noong Nov. 10, 2012 para tapusin ang kanilang 14-game losing slump.

 

Show comments