Magnolia vs SMB
Sa PBA Philippine cup finals
MANILA, Philippines — Mula umpisa hanggang sa huli ay matibay na depensa ang parehong ibinigay ng Magnolia at Rain or Shine.
Nangailangan ang Hotshots ng extra period para sibakin ang Elasto Painters, 63-60 sa Game Seven ng kanilang semifinals series patungo sa 2019 PBA Philippine Cup Finals kagabi sa MOA Arena sa Pasay City.
Umabante ang Magnolia sa kanilang pang-30 finals appearance at target ang pang-15 kampeonato.
“We' believe. We've been in this situation many times and we know what it takes,” sabi ni 11-time champion center Rafi Reavis, humakot ng 7 points at 19 rebounds, para sa Hotshots na bumangon mula sa 17-point deficit sa third period.
Lalabanan ng Magnolia ang nagdedepensang San Miguel Beer para sa korona ng All-Filipino conference.
Magsisimula ang kanilang best-of-seven titular showdown sa Miyerkules sa Smart Araneta Coliseum.
Pinatalsik ng Beermen ang Phoenix Fuel Masters, 4-1 sa kanilang sariling semis duel para umabante sa pang-41 finals appearance at targetin ang ika-26 kampeonato.
Matapos kunin ang 27-21 abante sa halftime ay nagsalpak sina two-time PBA MVP James Yap, Beau Belga at Maverick Ahanmisi ng makakasunod na three-point shots para ibigay sa Elasto Painters ang 17-point lead 39-22 sa 9:14 minuto sa third period.
Subalit bumalikwas ang Hotshots mula sa pinakawalang 24-7 atake para itabla ang labanan sa 46-46 sa 8:45 minuto ng fourth quarter hanggang mauwi ang laro sa overtime, 55-55.
Nagsalpak ng dalawang basket sina Ian Sangalang at Paul Lee para sa 59-55 bentahe ng Hotshots hanggang muling nakalapit ang Elasto Painters sa 60-61 agwat sa nalalabing 1:11 minuto ng overtime.
Ang dalawang magkahiwalay na free throw nina Reavis at Sangalang sa huling 1.3 segundo ang sumelyo sa panalo ng Magnolia.
- Latest