Stalzer handa na sa laban vs Petron

Handang-handa na si Stalzer na dungisan ang malinis na rekord ng Blaze Spikers gayundin ang tangka nitong walisin ang season at masungkit ang korona.
facebook

MANILA, Philippines — Mataas ang motibasyon ni F2 Logistics reinforcement Lindsay Stalzer sa pagharap nito sa kanyang dating koponang Petron sa Philippine Superliga Grand Prix best-of-three finals na magsisimula bukas sa The Arena sa San Juan City.

Handang-handa na si Stalzer na dungisan ang malinis na rekord ng Blaze Spikers gayundin ang tangka nitong walisin ang season at masungkit ang korona.

Subalit aminado si Stalzer na mahirap ang kanilang pagdaraanan bago maisakatuparan ang kanilang misyon.

“There’s an extra motivation because it’s against my former team, because they haven’t been beaten yet this season. Let’s see. It’s going to be a very inte­resting series,” ani Stalzer.

Parte si Stalzer ng Petron nang magkampeon ito noong 2018 edisyon ng Grand Prix.

Ngunit nagtawid-bakod si Stalzer nang magtungo ito sa kampo ng Cargo Movers ngayong taon.

“Actually, I was pretty confident that we could make it this far. But ob­viously, the hardest challenge is still ahead of us. Playing against Petron in the finals would be the biggest challenge for this team,” ani Stalzer.

Makakatuwang ni Stalzer ang kapwa Most Va­luable Player awardee na si Maria Jose Perez ng Venezuela kasama sina local aces Aby Maraño, Majoy Baron, Ara Galang at Dawn Macandili.

Malaking hamon na naman kay reserve playmaker Alex Cabanos kung paano bibigyan ng magagandang sets ang kanyang attackers partikular na sina Stalzer at Perez.

Inaasahang maglalatag ng solidong net defense ang Cargo Movers para masawata ang pagta­tangka nina super imports Stephanie Niemer at K­a­therine Bell na siyang nagdala sa Blaze Spikers sa 17-0 rekord.

Bukod kina Niemer at Bell, magsisilbing tinik din sa daan ng Cargo Movers sina Petron local players Mika Reyes, Remy Palma at Aiza Maizo-Pontillas gayundin sina setter Rhea Dimaculangan at libero Denden Lazaro. 

Show comments