MANILA, Philippines — Diniskaril ng Far Eastern University Lady Tamaraws ang asam na semis bonus ng De La Salle Lady Spikers matapos ang kanilang 25-22, 13-25, 15-25, 27-25, 15-8 panalo kahapon habang winalis ng Ateneo Lady Eagles ang UE Lady Warriors, 25-20, 27-25, 25-11 para angkinin ang top spot sa pagtatapos ng elimination round ng Season 81 UAAP volleyball tournament sa The Arena ng San Juan City.
Bumaba ang three-peat champion Lady Spikers sa sosyohan sa ikalawang puwesto kasama ang UST Tigresses sa parehong 10-4 win-loss kartada sa pagtiklop ng elimination round dahilan para muling magharap sila sa Miyerkules sa playoff upang pag-agawan ang second spot at ikalawang twice-to-beat advantage.
Nangunguna ang Lady Eagles sa standing pagkatapos ng elims sa kanilang 12-2 win-loss kartada kasunod naman ang Lady Spikers at UST Tigresses sa parehong 10-4 slate habang nanatili naman ang Lady Tamaraws sa fourth spot sa 9-5 card.
Tangan ng Lady Eagles ang unang twice-to-beat bonus bilang top seed.
Hindi rin naging madali para sa paboritong Lady Eagles ang kanilang panalo sa Lady Warriors mabuti na lang naisalba nila ang apat na set points upang agawin ang ikalawang set, 27-25 mula sa 21-24 deficit.
Muling bumalik naman ang rhythm ng Lady Eagles sa third set kaya nakuha nilang lumayo agad, 10-3 at lumobo sa pinakamalaking 18-5 sa atake ni Ponggay Gaston tungo sa kanilang ikatlong sunod na semifinals appearance laban sa FEU kung saan nilampaso sila ng Lady Tamaraws noong nakaraang taon.
Samantala sa men’s division, nakopo ng nag-dedepensang NU Bulldogs ang ika-13th sunod na panalo matapos padapain ang FEU Tamaraws, 25-13, 25-23, 25-18 para manatili sa solo top spot habang nagwagi naman ang Ateneo Blue Eagles kontra sa Adamson Falcons, 25-23, 30-28, 25-19 upang tumapos sa ikatlong puwesto sa 10-4 (10-4).