MANILA, Philippines — Tumipak si Jhonard Clarito ng anim na sunod na puntos sa huling 1:05 minuto upang iangat ang San Juan sa 87-86 panalo kontra sa Davao Occidental at angkinin ang titulo ng kauna-unahang National Finals ng 2019 MPBL Datu Cup noong Huwebes ng gabi sa Rizal Memorial College Gym sa Davao City.
Sa hataw ni Clarito, muling nabawi ng Knights ang bentahe, 87-86 mula sa 81-86 deficit para tapusin ang best-of-five national finals series, 3-2 sa homecourt mismo ng kalaban.
“It’s really a big win for us. I never thought it would come this way. It’s all team effort. My players did it for San Juan. I couldn’t ask for more,” sabi ni Alcantara.
Umani rin ng 33 puntos na may kasamang isang rebound at dalawang steals si Mike Ayon Ayon upang masungkit ng Knights ni coach Randy Alcantara ang ikalawang national title makaraang maghari sa nalusaw na Metropolitan Basketball Association (MBA) noong 2000.
“There’s nothing more sweeter than this. They played hard and they deserved the national title. We will continue supporting this team,” ayon naman kay team owner Jeremy Go ng Go For Gold.
Tinanggap ni dating Sen. Jinggoy Estrada at Alcantara ang tropeo na nagkakahalaga ng P10 milyon pesos mula kay MPBL founder at chief executive Sen. Manny Pacquiao sa awarding ceremonies kung saan ginawaran din ng 18-k championship ring ang bawat miyembro ng winning team.