MANILA, Philippines — Pamamahalaan ng Philippine Taekwondo Association ang 2019 14th ASEAN Championships sa Mayo 4-5 sa Music Hall ng SM Mall of Asia sa Pasay City.
Inaasahang pipitas ng gintong medalya ang mga national jins sa nasabing two-day event laban sa mga lahok ng Vietnam, Malaysia, Cambodia, Myanmar, Timor-Leste, Brunei at Singapore.
Sasabak ang mga partisipante sa torneong may basbas ng ASEAN Taekwondo Federation sa kyorugi (free sparring) at Poomsae (forms) sa senior, junior at cadet divisions.
Pinaghahandaan ng bansa ang pamamahala sa 30th Southeast Asian Games sa Nobyembre.
Ilan sa mga nagbigay ng karangalan sa bansa sa mga ASEAN taekwondo competitions ay sina gold winners Jenar Torillos, Christian Al Dela Cruz, Kristopher Robert Uy, Laila Delo, Rommel Pablo Jr., Shirly Badol, Lorenz Chavez, Aaron Francis Agojo, Gershon Bautista, Anjelay Pelaez, Kristie Elaine Alora, Enrique Edgardo Mora, Ernesto John Mendoza, Juan Miguel Ramos, Bea Mariel Go at Irene Therese Bermejo.
Ang nasabing international event ay suportado ng MVP Sports Foundation, Smart, PLDT, Meralco, Philippine Sports Commission, Philippine Olympic Committee, SM Supermalls at Milo.