MANILA, Philippines — Nasikwat ni Southeast Asian Games champion Josie Gabuco ang tiket sa finals matapos itarak ang split decision win kontra kay Mungunsaran Balsan ng Mongolia sa women’s light flyweight category ng 2019 Asian Boxing Elite Championships na ginaganap sa Huamark Indoor Stadium sa Bangkok, Thailand.
Mainit ang simula ni Gabuco matapos paliguan ng suntok ang Mongolian fighter na tila nagpabagal sa galaw nito.
Naikonekta ni Gabuco ang solidong suntok para bilangan si Balsan ng referee may 56 segundo pang nalalabi sa second round. Nagawang makatakas ng Mongolian pug.
Subalit hindi na ito nakalusot sa matutulis na atake ni Gabuco sa third round para tuluyang angkinin ng Pinay bet ang panalo.
Makakasagupa ni Gabuco sa championship round ang magwawagi sa pagitan nina Pin Meng-Chieh ng Chinese-Taipei at Kim Hyang Mi ng North Korea.
Nagkasya naman si Ian Clark Bautista sa tansong medalya matapos matalo kay Mirazizbek Mirzahalilov ng Uzbekistan via split decision sa semifinals ng men’s bantamweight division.