MANILA, Philippines — Pipilitin ng Philippine taekwondo team na makapag-uwi ng gintong medalya sa open qualification tournament 1 para sa 2019 World Taekwondo Grand Slam Champions Series sa Abril 26-28 sa Wuxi, China.
Isusuot ang uniporme ng SMART/MVP Sports Foundation, ang national taekwondo squad ay pamumunuan ng limang male at limang female jins kasama sina coaches Carlos Jose Padilla V at Christian Al Dela Cruz.
Ang mga Filipino fighters ay sina Dex Ian Chavez (-58kg), Kurt Bryan Barbosa (-58kg), Arven Alcantara (-68kg), Keno Anthony Mendoza (-68kg) at Samuel Thomas (-80kg) habang ang mga Pinay jins ay sina Baby Jessica Canabal (-49kg), Veronica Garces (-49kg), Pauline Louise Lopez (-57kg), Beatrice Kassandra Gaerlan (-57kg) at Laila Delo (-67kg).
Tanging mga selected athletes lamang mula sa 30 bansa ang makikita sa aksyon sa naturang event na lalahukan ng Korea, France, Spain, Iran, Turkey, Chinese Taipei, United States at Pilipinas.
Magsisilbi itong tuneup ng mga Filipino jins para sa darating na World Taekwondo Championships, Korea Open at Southeast Asian Games na pamamahalaan ng bansa sa Nobyembre.