INDIANAPOLIS — Umiskor si Jaylen Brown ng 23 points at nagdagdag si Kyrie Irving ng 19 markers, 10 assists at 5 rebounds para igiya ang Boston Celtics sa 104-96 panalo laban sa Indiana Pacers sa Game Three at itarak ang 3-0 bentahe sa kanilang first-round series.
Maari nang walisin at tapusin ng Celtics ang kanilang Eastern Conference series ng Pacers sa Game Four sa Linggo (US time) sa Indianapolis.
Naduplika naman ni Tyreke Evans ang kanyang career playoff high na 19 points para sa Indiana, habang may 15 markers si Bojan Bogdanovic.
Ito ang ikaanim na sunod na kabiguan ng Pacers sa kanilang tapatan ng Celtics sa regular season at playoff.
Ibinandera ng Boston ang kanilang depensa kung saan nila nalimitahan ang Indiana sa 12 points sa kabuuan ng third quarter.
Sa Orlando, kumamada si Pascal Siakam ng 30 points at 11 rebounds para tulungan ang Toronto Raptors na talunin ang Magic, 98-93, at agawin ang 2-1 lead sa kanilang Eastern Conference first-round series.
Nagsalpak si Siakam ng isang floater sa huling 1:33 minuto para iligtas ang Toronto sa pagbangon ng Orlando.
Nag-ambag si Kawhi Leonard ng 16 points at 10 rebounds, habang may 13 at 12 markers sina Danny Green at Kyle Lowry, ayon sa pagkakasunod.
Sa Oklahoma City, nagposte si Russell Westbrook ng 33 points at 11 assists para ihatid ang Thunder sa 120-108 panalo laban sa Portland Trail Blazers at makalapit sa 1-2 sa serye.