Aranas kampeon sa 10-Ball

Napigilan ni Aranas ang paghahabol ni Oscar Dominguez ng Amerika sa huling bahagi ng laban gamit ang malalakas na breaks para itarak ang 13-10 panalo sa championship round.

MANILA, Philippines — Nakumpleto ni Zoren James Aranas ang matamis na sweep upang masungkit ang korona sa 27th Annual Super Billiards Expo D­iamon Open 10-Ball Championships na ginanap sa Greater Philadelphia Expo Center sa Oaks, Pennsylvania sa Amerika.

Napigilan ni Aranas ang paghahabol ni Oscar Dominguez ng Amerika sa huling bahagi ng laban gamit ang malalakas na breaks para itarak ang 13-10 panalo sa championship round.

Napasakamay ni Aranas ang $10,000 champion’s purse sa torneong nilahukan ng 64 matitikas na cue artists sa mundo.

Umusad sa 16-man knockout stage si Aranas nang isa-isa nitong patumbahin sina Matt Krah sa first round (10-1), Hunter Lombardo sa second round (10-5) at James Sossei sa third round (10-2).

Nagpatuloy ang matikas na ratsada ni Aranas sa main draw nang payukuin nito sina Chris Robinson sa Round-of-16 (13-11)  da­ting world champion Mika Immonen sa quarterfinals (13-5) at kababayang si Raymund Faraon sa semifinals (13-11) bago makaharap si Dominguez sa finals.

Ito ang ikalawang sunod na titulo ni Aranas sa taong ito matapos pagha­rian ang 2rd Annual Barry Behrman Memorial Tournament sa Virginia Beach.

Show comments