Davao Occ. tumabla

MANILA, Philippines — Nagsanib puwersa sina Billy Robles at Mark Yee upang iangat ang Davao Occidental Tigers sa 67-60 panalo kontra sa San Juan Knights kahapon at itabla sa 1-1 ang kanilang best-of-five National Finals series sa 2019 Maharlika Pilipinas Basketball League (MPBL) Datu Cup sa Rizal Memorial College Gym sa Davao City.

Umiskor si Robles ng 17 puntos, 12 nito sa final half na may kasama pang walong rebounds, tatlong assists, isang block at isang steal para bumawi sa kanilang 74-84 kabiguan sa Game One noong Huwebes.

Bibiyakin ng Southern Division champion Tigers at Northern Division titlist Knights ang 1-1 tabla sa serye sa kanilang muling pag­haharap sa Martes sa Game 3 sa teritoryo ng Knights sa FilOil Flying V Center sa San Juan City.

Tumapos din ang na­ngunguna sa MVP race na si Yee ng 16 puntos at 10  rebounds, ang kanya ng pang-20th double-double performance sa ikalawang conference ng home-and-away league.

Tumulong din ng walong puntos at apat na rebounds si Joseph Laslee Terso at anim mula kay Bogs Raymundo para sa Tigers ni coacj Don Dulay.

“Nag-adjust kami sa depensa tsaka sa reboun­ding,” sabi ni  Yee.

Sa kanilang mahigpit na depensa, nalimitahan ng Tigers ang shooter ng San Juan na si Mac Cardona sa walong puntos lamang at umiskor lang ng apat na puntos si John Wilson kaya nalusutan ng Tigers ang koponan ni coach Randy Alcantara.

“Siguro kaya pa naming makakuha ng isa sa San Juan, para bumalik yung series dito sa home court namin,” ayon naman kay Robles.

Show comments