MANILA, Philippines — Tutok si eight-division world champion Manny Pacquiao sa pagsasanay ng anak na si Jimuel Pacquiao na nagdesisyong pasukin ang mundo ng boksing.
Sa video ni Pacquiao sa kanyang Twitter account, ibinabahagi nito kay Jimuel ang mga estratehiyang ginagamit nito sa kanyang mga nakalipas na laban.
Kabilang sa mga ibinibigay na tips ni Pacquiao ang tamang footwork kasabay ng magandang depensa.
Tinuturuan din ni Pacquiao ang anak ng kumbinasyon at ang tamang pagpasok at pag-atras upang makaiwas sa suntok ng kalaban.
Kita rin sa video ang pagiging hands-on ni Pacquiao kung saan nakita pa itong inaayos ang hand wrap ng anak.
“The future.”
Ganito isinalarawan ng reigning World Boxing Association welterweight champion ang anak. Kaya naman mismong si Pacquiao na ang tumututok sa pagsasanay nito.
Sa katunayan, hindi pabor si Pacquiao na sumabak sa boksing ang anak.
Subalit tila hindi na mapipigilan ang pagpasok ni Jimuel sa mundo ng boksing kaya’t nais ni Pacquiao na ibahagi ang lahat ng kanyang nalalaman upang maging matagumpay rin ang anak sa tatahakin nito.