MANILA, Philippines — Sisimulan ni John Marvin Miciano ng Go For Gold Philippines ang kanyang krusada sa pagkuha ng Grand Master norm sa pagsabak sa Eastern Asia Chess Championship sa Ulaanbaatar, Mongolia.
Kumpiyansa ang 18-anyos na Asian Youth chess champion sa kanyang ipapakita sa nasabing FIDE-rated tournament na matatapos sa Abril 16.
Tatlong GM norms na lamang ang kailangan ni Miciano, ang pinakabatang International Master at suportado ng Go For Gold, para masundan ang mga yapak ni chess whiz Wesley So.
“I need to compete in more international tournaments with highly-rated players and I’m hoping to get my first GM norm here in Mongolia,’’ ani Miciano.
Nakawala sa chess prodigy mula sa Davao City ang GM norm ng 0.5 points nang tumapos siya sa No. 12 mula sa lumahok na 242 sa 22nd Hogeschool Zeeland Tournament sa Vlissingen, Netherlands noong Agosto ng 2018.
“When I saw his credentials, I knew he has great potential to become a GM,’’ wika ni Go For Gold godfather Jeremy Go. “He deserves our support.’’
Tumapos din si Miciano sa No. 11 sa hanay ng 105 chessers sa nakaraang Open International De Sitges sa Spain kung saan naglaro ang maraming GMs at IMs.
Sa Mongolia meet ay maglalaro ang Philippine junior chess champion ng nine rounds sa FIDE Zone 3.3 tourney laban sa mga top players sa Asya, kabilang ang mga GMs ng Vietnam at Indonesia.
Bukod kay Miciano, sinusuportahan din ng Go For Gold si skateboarder Margielyn Didal, ang Philippine dragonboat team ng Philippine Canoe-Kayak Dragonboat Federation at sina cycling hero Rex Luis Krog at reigning Southeast Asian Games men’s triathlon champion Nikko Huelgas.