Galedo hari ng 7-Eleven Tour 2019

MANILA, Philippines — Umarangkada si  Mark John Lexer Galedo sa huling 15 kilometro tungo sa pag-angkin sa titulo ng 106-kilometers 7-Eleven Cycling Tour 2019 noong Linggo na nag-umpisa at nagtapos sa Clark Global City sa Angeles City.

Kasama ang 33-anyos beteranong si Galedo sa six-man peloton mula sa starting line hanggang sa Subic-Clark-Tarlac Expressway (SCETEX) bago humiwalay paglampas ng Porra Capaz, Tarlac at dumating sa finish line sa oras na 2:29.48.

“Magandang preparas­yon ko na ito bago ang  2019 PRUride Cycyling tour sa May 23 at sa Le Tour de Filipinas sa Hunyo. Kaya talagang gusto kung masukat na ang aking kakayahan sa nalalapit na major competitions,” sabi ng Quezon City-born na si Galedo.

Naungusan din ng 17-anyos na si Michael Jan Farre ang 21-anyos na si Rench Michael Bondoc sa huling metro para tumapos sa ikalawang puwesto. Sina Farre at third placer na si Bondoc ay kapwa nagtala ng identical time na 2:29.53.

Mahigit 3,000 cycling enthusiasts ang sumali sa revival ng 7-Eleven road race tour na unang idinaos noong 2012, ngunit hindi na nasundan ang road race event dahil wala pang suporta mula sa SCTEX management.

Show comments