MANILA, Philippines — Apat na koponan ang mag-uunahang makalapit sa semis sa paglarga ng Game 1 ng best-of-three quarterfinal series ngayong araw sa PBA Season 44 Philippine Cup sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.
Magtutuos ang Barangay Ginebra at Magnolia sa tinaguriang Manila Clasico sa alas-6:45 ng gabi matapos ang duwelo ng defending champion San Miguel Beer at Talk ‘N Text KaTropa sa alas-4:30 ng hapon.
Tinapos ng Gin Kings ang eliminasyon hawak ang 7-4 marka para makuha ang No. 3 seeding habang ikaapat naman ang KaTropa (7-4), ikalima ang Beermen (7-4) at ikaanim ang Hotshots (6-5).
Masama ang pagtatapos ng eliminasyon para sa Ginebra matapos yumuko sa NorthPort, 97-100.
Subalit kailangan na agad itong pagpagin para kay Ginebra coach Tim Cone upang maisentro ang kanilang atensiyon laban sa Magnolia.
“More than it being the Manila Clasico, it is the first game of the short series, therefore that makes it crucial for both teams,” ani Cone.
Kukuha ng malakas na puwersa ang Gin Kings kay Japeth Aguilar na may averages na 16.5 points at 7.5 rebounds sa eliminasyon.
Tinukoy ni Cone si Magnolia star Paul Lee na isa sa mga dapat bantayan ng Gin Kings.
Galing si Lee sa impresibong 26 puntos tampok ang anim na three-pointers na performance sa 102-74 demolisyon ng Magnolia sa NLEX noong Martes.
“We know Paul Lee and company are going to be ready so we need to be at our best,” ani Cone.
Ngunit alam ni Magnolia coach Chito Victolero na ibang usapan na ang semis.
Ibang lebel na ang kanilang haharapin.