MANILA, Philippines — Mainit ang naging simula ni dating world champion Alex Pagulayan upang umabante sa Last 16 ng 2019 World Pool Masters sa Victoria Stadium sa Gibraltar.
Inilampaso ng Filipino-Canadian cue master si world champion Wu Jiaqing ng China sa pamamagitan ng 7-4 desisyon.
Makakasagupa ni Pagulayan si Ko Pin Yi ng Chinese-Taipei na nakakuha ng opening round bye dahil sa mataas na ranking sa World Pool-Billiard Association.
Hindi naman pinalad ang isa pang Pinoy na si Jeffrey de Luna matapos umani ng 2-7 kabiguan kay 2016 World 9-Ball titlist Albin Ouschan ng Austria.
Pasok din sa Last 16 sina Fedor Gorst ng Russia, David Alcaide ng Spain, Klenti Kaci ng Albania, Shane Van Boening ng Amerika, Justin Sajich ng Australia at Matt Edwards ng New Zealand.
Iginupo ni Gorst si Naoyuki Oi ng Japan (7-2), tinalo ni Alcaide ang kababayang si Francisco Sanchez-Ruiz (7-3), ginulantang ni Kaci si Earl Strickland ng Amerika (7-2), pinatumba ni Van Boening si Kelly Fisher ng Great Britain (7-2), pinatalsik ni Sajich si Petri Makkonen ng Ireland (7-4) at sinorpresa ni Edwards si Chris Melling ng Great Britain (7-3).