MANILA, Philippines — Nakabalik sa porma ang Marinerong Pilipino matapos ilampaso ang CD14 Designs-Trinity University of Asia (TUA) sa bisa ng 91-72 desisyon kahapon sa 2019 PBA D-League sa JCSGO Gym sa Cubao, Quezon City.
Mainit si dating De La Salle University forward Santi Santillan na nagsumite ng career-high 29 points kalakip ang 10 rebounds para tulungan ang Skippers na umangat sa 3-2 marka sa Foundation Group.
“Coach Yong Garcia is giving me the confidence in all I do. He always tells me to do extra work in my shooting and in practice,” ani Santillan.
Magandang resbak din ito sa tinamong 78-88 kabiguan ng Marinerong Pilipino sa Wangs Basketball.
Nag-ambag naman si Orlan Wamar ng 10 puntos tampok ang tatlong three-pointers.
Pinamunuan ni Santillan ang matikas na ratsada ng Skippers na nakapagtala pa ng pinakamalaking kalamangan na 21 puntos.
Hindi na ito binitiwan pa ng Marinerong Pilipino para makuha ang panalo.