MEMPHIS, Tennessee — Nagpasabog si James Harden ng 57 points ngunit inungusan ng Grizzlies ang bisitang Houston Rockets, 126-125 sa overtime.
Ito ang ikalawang kabiguan ng Houston sa kanilang huling 14 laro.
Umiskor naman si guard Mike Conley ng 35 points para sa Memphis habang nagtala si Jonas Valanciunas ng career-best 33, kasama ang game-winning free throw sa huling 0.1 segundo ng labanan at 15 rebounds.
Isinalpak ni Valanciunas ang isang free throw mula sa foul ni Rockets center Clint Capela sa ilalim ng Grizzlies basket.
Humataw si Harden ng 15 points sa 17-2 atake ng Houston sa fourth quarter para itabla ang laro sa 115-115 sa pagtatapos ng regulation.
Naglista si guard Chris Paul ng 18 points at 7 assists para sa Rockets, nagmula sa three-game winning run habang nagposte si Capela ng 14 points at 10 rebounds.
Sa Portland, nagsumite si Damian Lillard ng 33 points at 12 assists para pamunuan ang Trail Blazers sa 126-118 panalo laban sa Dallas Mavericks.
Nagdagdag si Seth Curry ng 20 markers mula sa bench para sa Portland, naipanalo ang lima sa huli nilang anim na laro para makalapit sa pag-angkin sa home-court advantage sa first round ng playoffs.
Humataw naman si Luka Doncic ng 24 points sa panig ng Dallas, naisuko ang siyam sa huli nilang 10 asignatura.
Sa San Antonio, gumawa si Goran Dragic ng 22 points at tinapos ng Miami Heat ang nine-game winning streak ng Spurs sa pamamagitan ng 110-105 panalo.
Nag-ambag si Dion Waiters ng 18 points kasunod ang 15 markers ni Josh Richardson para sa ikatlong sunod na ratsada ng Miami.