Spurs hiniya ang Warriors

Tinangkang supalpalin ni Klay Thompson ng Warriors si DeMar DeRozan ng Spurs.

SAN ANTONIO — Nagpaputok si DeMar DeRozan ng 26 points habang humakot si LaMarcus Aldridge ng 23 points at 13 rebounds para akayin ang Spurs sa 111-105 panalo laban sa Golden State Warriors.

Nag-ambag si Rudy Gay ng 17 points kasunod ang 12 markers ni Derrick White.

Ito ang pang-siyam na sunod na arangkada ng San Antonio at ika-11 sa kanilang tahanan para umupo sa No. 5 sa  Wes­tern Conference.

Binanderahan naman ni Stephen Curry ang Gol­den State mula sa kanyang 25 points kasunod ang 24 markers ni Kevin Durant.

Nagmula ang Warriors sa two-game winning run at nakatabla ang Denver Nuggets sa first place sa West sa magkatulad nilang 47-22 record.

Sa Dallas, nilampa­san ni Dirk Nowitzki si Wilt Chamberlain para sa sixth place sa NBA career sco­ring list, ngunit inilista naman ni Elfrid Payton ang kanyang pang-limang sunod na triple-double  para tulungan ang New Orleans Pelicans na talunin ang Mavericks, 129-125 sa overtime.

Tumapos si Payton na may 19 points, 11 assists at 10 rebounds para sa New Orleans.

Naglista naman si Dallas rookie Luka Doncic ng triple-double sa kanyang 29 points, 13 boards at 10 assists.

Inungusan ni No­witzki si Chamberlain (31,419 points) sa pamamagitan ng kanyang signature long-range jumpers sa 8:35 minuto ng first quarter.

Sa Phoenix, tumipa si Robin Lopez ng 24 points para akayin ang Chicago Bulls sa 116-101 paggupo sa Suns at tapusin ang kanilang five-game losing slump.

Nagdagdag si Zach LaVine ng 17 points, 8 rebounds at 7 assists  para sa Chicago.

Show comments