MANILA, Philippines — Nasungkit ng University of Perpetual Help System Dalta ang general championship crown sa juniors division ng NCAA Season 94.
Nangibabaw ang Junior Altas sa athletics competitions na ginanap sa Vermosa Sports Hub sa Imus, Cavite kung saan nakalikom ito ng 50 puntos para tuluyang masiguro ang kampeonato.
Dahil dito, nagrehistro ng kabuuang 365 puntos ang Perpetual Help para pigilan ang San Beda University sa tangka nitong six-peat feat.
Nakuha rin ng Las Piñas-based school ang korona sa indoor volleyball, beach volley at chess.
“We congratulate the whole team and the whole of University of Perpetual Help System Dalta community is proud of the accomplishment,” pahayag ni NCAA at Perpetual Help president Anthony Tamayo.
Nakasungkit ang Junior Altas ng ginto sa 200m, 100m, 400m, 800m at long jump.
Naungusan ng Perpetual Help ang San Beda na nagsumite ng dikit na 363.5 puntos para magkasya sa ikalawang puwesto.
Sa katunayan, bago magsimula ang athletics competition, hawak ng San Beda ang liderato sa overall race tangan ang 328.5 puntos laban sa 315 ng Perpetual Help.
Subalit nakakuha lamang ang Red Cubs ng 35 points sa atletics para sa 363.5 kabuuang puntos – 1.5 puntos na kapos sa nakamit ng Juniors Altas (365 points).