MANILA, Philippines — Matapos ang mahabang elimination round, sisimulan na ng top seed Bataan Risers ang playoff round sa paghaharap kontra sa Caloocan Supremos habang magtatagpo naman ang Manila Stars at Bulacan Kuyas sa best-of-three series sa 2019 MPBL Datu Cup sa Bataan People’s Center.
Haharapin ng No. 1 seed Bataan Risers ang No. 8 seed Caloocan Supremos sa alas-9 ng gabi pagkatapos ng laban ng fourth seed Manila Stars at fifth seed Bulacan Kuyas sa alas-7 ng gabi.
Kapwa tangan ng Bataan at Manila ang home court advantage bilang top four teams ng Northern Division.
Nakuha ng Bataan ni coach Jojo Lastimosa ang best 23-2 win-loss record ng conference kaya paborito silang magwagi dahil din sa kanilang 94-81 panalo sa una nilang ng pagtatagpo noong Nobyembre 27.
Sasandal si coach Lastimosa kina dating ace shooter Gary David, Pamboy Raymundo, Byron Villarias, Ryan Batino, Rob Celiz, Yvan Ludovice, Richard Escoto at Gab Dagangon.
Sa iba pang quarterfinal series, patutunayan ng Manila Stars ang kanilang mastery sa Bulacan na kanila ring tinambakan, 84-62 noong Agosto 16.
Tiyak na pangungunahan nina Chris Bitoon, Aris Dionisio, Riel Cervantes, Marvin Hayes, Maclean Savellina, Mac Montilla, Drian Celada at Marcy Arellano ang tropa ni coach Philip Cezar.
Itatapat ni Bulacan coach Britt Reroma sina JR Taganas, James Martinez, Stephen Siruma, Jason Melano, Jeric Canada at Ogie Menor.