MANILA, Philippines — Itataya ng Petron ang malinis nitong rekord sa pagsagupa sa bagong Foton Tornadoes sa pagpapatuloy ng Philippine Superliga Grand Prix ngayong araw sa The Arena sa San Juan City.
Magtutuos ang Blaze Spikers at Tornadoes sa alas-4:15.
Inaasahang madadagdagan ang bagsik ng Tornadoes matapos kunin si Milagros Collar ng Spain na may magandang rekord sa kanyang professional career.
May 15 taon ding naging miyembro ng Spanish national team si Collar at nakapaglaro ito sa iba’t ibang liga sa Spain, Italy, France at Romania. Nagtala rin ito ng 36 puntos para sa Hyundai E&C Hilstate sa Korean League.
“Milagros an opposite who can really help us in the offensive end. We already processed her ITC (international transfer certificate) as early as last week and she will be ready to play against Petron on Tuesday,” ani Foton team manager Diane Santiago.
Pinalitan ni Collar si Selime Ilyasoglu ng Turkey.
Magbabalik-aksiyon na rin si Dindin Santiago-Manabat na naglaro para sa Toray Arrows sa Volleyball Premier League sa Japan.
Makakatuwang nina Collar at Santiago-Manabat sina import Courtney Felinski, Shaya Adorador, Maika Ortiz, Gyselle Sy, Ivy Perez at Elaine Kasilag.
Kasalukuyang nasa ilalim ng standings ang Tornadoes hawak ang 1-6.
Maghaharap din ang Generika-Ayala at PLDT Home Fibr sa alas-2 at ang Cignal at Sta. Lucia Realty sa alas-7 ng gabi.