GM Torre Chess Cup kasado na
MANILA, Philippines — Aarangkada ang kauna-unahang Grandmaster Eugene Torre Chess Cup na idaraos sa Mayo 18 sa Mapua Gymnasium sa Intramuros, Manila.
Bukas ang torneo sa lahat ng mga chess players sa bansa partikular na sa mga manlalaro sa high school at college levels na nagnanais magpakitang-gilas.
Mismong si Asia’s first GM Eugene Torre ang nag-imbita nang bumisita ito sa lingguhang “Usapang Sports” ng Tabloids Organization in Philippine Sports (TOPS) sa National Press Club, Intramuros, Maynila.
“This is open to all chess players. Magandang exposure ito lalo na sa mga bata. Magkakasubukan din dito ang mga tituladong manlalaro lalo pa na isa itong FIDE (World Chess Federation) rated event,” wika ni Torre na naging miyembro ng Mapua University chess team.
Nilinaw naman ni Mapua Filipino-Chinese Alumni Association president Edmond Aguilar na tanging 400 lamang ang pahihintulutang makalahok sa torneo dahil sa kapasidad ng venue sa Mapua Gym.
Layunin ng grupo na magbigay ng magandang venue upang mahasa ang mga bagitong chess players sa bansa na posibleng sumunod sa yapak ni Torre na makailang ulit nang nagbigay ng karangalan sa Pilipinas.
Ayon kay tournament director at Mapua head coach Boyet Tindugan Tardecilla, nakalaan ang P30,000 premyo para sa magkakampeon sa Open Division habang tatanggap ang runner-up ng P20,000 at P8,000 naman sa third-placer.
Bibigyan naman ng tig-P5,000 ang mamamayagpag sa elementary at high school divisions.
- Latest