MANILA, Philippines — Hinirang si swimming sensation Micaela Jasmine Mojdeh bilang 'Athlete of the Month' ng Tabloid Organization in Philippine Sports (TOPS) para sa buwan ng Pebrero.
Walong gold medal ang inangkin ni Mojdeh, ang top swimmer ng Philippine Swimming League (PSL) sa girls 11-12 division, bukod sa pagsira sa pitong meet records sa 2019 Beijing All-Star Swimming Championships sa Water Cube sa Beijing noong nakaraang buwan.
Nanguna ang 12-anyos na estudyante ng Immaculate Heart of Mary College-Parañaque sa 200-meter fly (2:17.89), 200m individual medley (2:25.68), 200m breaststroke (2:43.51), 100m butterfly (1:04.67), 100m IM (1:09.85), 50m butterfly (29.41) at 50m breast stroke (36:13) na pawang mga meet records.
Ang pang-walo niyang ginto ay kanyang kinuha sa 100m breaststroke (1.17.77).
Si Mojdeh ang ikalawang binigyan ng monthly accolade ng TOPS matapos si world boxing champion Manny Pacquiao para sa buwan ng Enero.
Ang iba pang outstanding athletes na ikinunsidera para sa February honors ay sina boxers Carl Jammes "Wonder Boy" Martin, Dave Peñalosa at Vic Saludar at archer Naina Dominique Tagle ng Dumaguete.
Napanatili ni Martin ang kanyang WBA Asia bantamweight championship mula sa third-round victory kay Petchchorhae Kokietgym ng Thailand sa SM City North EDSA Skydome noong Pebrero 16.