MEMPHIS, Tennessee — Humataw si guard Mike Conley ng 30 points kasama ang dalawang mahalagang free throws sa huling minuto ng laro habang kumolekta si Jonas Valanciunas ng 20 points at 13 rebounds para pamunuan ang Grizzlies sa 110-105 paggupo sa bisitang Los Angeles Lakers.
Sinapawan ng Memphis ang inilistang triple-double ni LeBron James, tumapos na may 24 points, 12 rebounds at 11 assists para ilagay sa panganib ang Los Angeles sa playoffs.
Pinangunahan ni Brandon Ingram ang Lakers mula sa kanyang 32 points kasunod ang 22 markers ni Kyle Kuzma.
Nasa 10th place ngayon ang Los Angeles sa Western Conference at naisuko ang apat sa huli nilang limang laro.
Nagsumite si center Joakim Noah ng 14 points at 12 rebounds samantalang may 15 markers si Avery Bradley para sa Memphis, tinapos ang four-game losing skid.
Sa Chicago, ibinuhos ni star Giannis Antetokounmpo ang kanyang oras sa pagtayo sa sideline para bigyan ng lakas ng loob ang kanyang mga teammates na sapat na para talunin ng NBA-leading Milwaukee Bucks ang Bulls, 117-106.
Umiskor sina Khris Middleton at Malcolm Brogdon ng tig-22 points kahit wala si Antetokounmpo, may sore right knee.
Binanderahan naman nina Lauri Markkanen at Robin Lopez ang Chicago mula sa kanilang tig-26 markers.
Sa Charlotte, kumamada si Klay Thompson ng 26 points habang naglista si DeMarcus Cousins ng 24 points at 11 rebounds para akayin ang Golden State Warriors sa 121-110 paggiba sa Hornets.