MANILA, Philippines — Pamumunuan ni trackster Jessel Lumapas ang listahan para sa mga Tony Siddayao Awardees na hihirangin ng SMC-PSA (Philippine Sportswriters Association) Annual Awards Night sa Pebrero 26.
Si Lumapas, isang standout ng Nazareth School of National University, ay sasamahan nina swimmers Micaela Jasmine Mojdeh at Marc Bryan Dula at figure skater Czerrine Ramos sa pagtanggap ng tropeo na ibinibigay ng sportswriting community sa mga promising athletes na may edad 17-anyos pababa.
Inihahandog ng MILO, Cignal TV at ng Philippine Sports Commission (PSC), ang special event ay gagawin sa Centennial Hall imbes na sa naunang inihayag na Maynila Ballroom sa makasaysayang Manila Hotel.
Ipinangalan sa namayapang veteran sports editor ng Manila Standard na si Tony Siddayao, ikinukunsidera bilang Dean of Philippine sportswriting, ang ilan sa mga naunang tumanggap ng Siddayao awards na gumawa ng pangalan sa kanilang mga events ay sina Wesley So (chess), Kiefer Ravena at Jeron Teng (basketball), Doti Ardina (golf), Eumir Marcial (boxing), Rustom Lim (cycling), Malvinne at Markie Alcala (badminton) at iba pa.
Nasa ibabaw ng 2018 list ang 17-anyos na si Lumapas, hinirang na most outstanding athlete sa nakaraang Palarong Pambansa matapos magtakbo ng apat na gold medals sa track and field. Kumubra rin siya ng 2 ginto mula sa anim na kinana ng Team Philippines sa ASEAN School Games sa Kuala Lumpur, Malaysia.