La Salle ginulpi ang Ateneo
MANILA, Philippines — Nilampaso ng nag-dedepensang De La Salle Lady Spikers ang arch-rival Ateneo Lady Eagles, 25-14, 25-17, 16-25, 25-19 kahapon upang iparamdam ang asam na four-peat sa pagpapatuloy ng UAAP Season 81 volleyball tournamant sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.
Agad ipinamalas nina Desiree Cheng, Michelle Cobb, Aduke Ogunsanya at May Luna ang matikas na laro upang angkinin ang unang set sa loob ng 18 minuto lamang, 25-14 at sinundan ng 25-17 panalo sa second set tungo sa first game win sa harap ng mahigit 17,166 volleyball fans.
Sa mabigat na opensa ng Taft-based Lady Spikers napilitan ang Lady Eagles na gumawa ng maraming errors na sinamantala ng tropa ni coach Ramil de Jesus.
Bumawi man ang Ateneo sa third set, ngunit nagtulung-tulong naman sina Luna at rookie Jolina de la Cruz para palawakin ang bentahe ng La Salle sa 19-13 sa fourth set bago umiskor si Cheng ng ace upang tapusin ang laban sa apat na sets lamang.
Sa iba pang laro, nangailangan ng limang sets ang University of Sto. Tomas Tigresses bago nilapa ang Adamson Lady Falcons, 25-21, 25-21, 24-26, 24-26, 15-6 upang makisosyo sa liderato kasama ang nagdedepensang Lady Spikers, UP Lady Maroons at FEU Lady Tamaraws.
Sa men’s division, umiskor si team captain Paolo Pablico ng 23 puntos upang iangat ang Adamson Soaring Falcons sa 33-31, 23-25, 16-25, 25-15, 16-14 panalo kontra sa University of Sto. Tomas Growling Tigers at sumama sa Ateneo at UE Red Warriors sa itaas ng standing.
- Latest