NEW ORLEANS -- Tatlong krusyal na basket ang isinalpak ni Julius Randle sa dulo ng fourth period para pamunuan ang Pelicans sa 131-122 paggupo sa bisitang Oklahoma City Thunder.
Tumapos si Randle na may 33 points at 11 rebounds para sa New Orleans bagama’t nagkaroon si All-Star Anthony Davis ng shoulder injury matapos ang first half.
Sa pagtatapos ng first half ay hinawakan ni Davis ang kanyang kaliwang braso papunta sa kanilang locker room matapos bigyan ng foul si Nerlens Noel sa tangka niyang pagsupalpal.
Sa pagsisimula ng second half ay inihayag ng Pelicans ang pagtigil sa laro ni Davis dahil sa left shoulder injury.
Itinala naman ni Russell Westbrook ang kanyang record na triple-double streak sa 11 games mula sa tinapos na 44 points, 14 rebounds at 11 assists sa panig ng Thunder.
Naimintis niya ang three-point attempt sa huling minuto ng fourth quarter kung saan nabaon ang Thunder sa five-point deficit.
Nagtala si Paul George ng 28 points para sa Thunder, nagwakas ang four-game winning streak.
Sa Atlanta, tumipa si Dennis Smith Jr. ng 19 points at winakasan ng New York Knicks ang kanilang franchise-worst, 18-game losing slump mula sa 106-91 paggapi sa Hawks.
Huling nanalo ang Knicks noong Enero 4 laban sa Los Angeles Lakers.
Sa Orlando, tinapos ng Magic ang kanilang 13-game losing skid laban sa Charlotte Hornets makaraang ilista ang 127-89 panalo sa likod ng 21 points ni reserve Terrence Ross.