Anak ni Pacquiao nagpasiklab sa ring
MANILA, Philippines — Tuluy-tuloy na kaya ang pagpasok ni Jimuel Pacquiao sa mundo ng boksing at sundan ang daang tinahak ng amang si eight-division world champion Manny Pacquiao?
Sinorpresa ni Jimuel ang sambayanan nang masilayan ito sa tila amateur fight o sparring session laban kay Lucas Carson noong Sabado sa Alabang, Muntinlupa.
Inilabas ng panganay na anak ni Pacquiao ang tikas nito sa unang round pa lamang kung saan nasilayan ang lakas ng kanyang kamao gayundin ang bilis ng kilos sa ibabaw ng ring.
Nagpakawala si Jimuel ng matatalim na suntok dahilan upang makailang ulit umatras ang kanyang karibal.
Ilang mabibilis na atake pa ang ginawa ni Jimuel na nakuha nito sa bagsik ng kamao ni Manny sa kanyang mga laban na naging daan para mapabagsak ang kaklase.
Matapos ang dalawang rounds, parehong pagod ang dalawang boksingero tunay na nagpasiklab sa laban. Idineklarang draw ang laban.
Protektado ng head gear ang dalawang boksingero upang matiyak ang kaligtasan ng mga ito.
Napanood ni Pacquiao ang buong laban sa pamamagitan ng videocall.
Nagbigay pa ang Pambansang Kamao ng ilang tips sa kanyang anak bago ang laban.
Magugunitang makailang ulit nang nasilayan si Jimuel sa sparring session sa Wild Card Gym sa Hollywood, California noong nagsasanay si Pacquiao sa pagdepensa ng WBO welterweight belt laban kay American fighter Adrian Broner.
- Latest