NEW YORK--Naglista si D'Angelo Russell ng 27 points at 11 assists para lampasan ng Brooklyn Nets ang kanilang win total noong nakaraang season sa pamamagitan ng 135-130 paggupo sa Denver Nuggets.
Nagsalpak si Russell ng anim sa kabuuang 19 three-point shots ng Nets, nagmula sa pinakamasamang shooting performance ngayong season.
Nag-ambag si DeMarre Carroll ng 18 points, 10 rebounds at 6 assists para sa Brooklyn (29-27) na nagtala ng 21-point lead laban sa Denver para tapusin ang kanilang three-game losing skid.
Ito ang ikalawang sunod na kabiguan ng Denver at nabitawan ang pagsosyo sa liderato sa Western Conference.
Sa Chicago, humataw si Julius Randle ng 31 points para pamunuan ang New Orleans Pelicans sa 125-120 pagdaig sa Bulls.
Pinanood lamang ni All-Star Anthony Davis ang Pelicans mula sa bench.
Sa Milwaukee, nagpasabog si Giannis Antetokounmpo ng 43 points habang nagtala si Eric Bledsoe ng 22 points at 11 assists sa 148-129 panalo ng Bucks kontra sa Washington Wizards.
Ito ang pang-limang dikit na ratsada ng Milwaukee, nakakuha ng double figures sa anim na players at naging unang koponang nakapagposte ng 40 panalo.