MANILA, Philippines — Hindi pa man din nagniningas, inapula na agad mismo ni head coach Alex Compton ang usok na hindi na siya ang chief tactician ng Alaska sa idinaraos na 2019 Philippine Basketball Association (PBA) Philippine Cup.
“Last time I checked, I was just coaching the game,” ani Compton na siya pa ring nagmando sa Aces sa 44th PBA debut nito kontra Rain or Shine kamakalawa ng gabi sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.
“I don’t really shed light on rumors because I don’t know where they start and who controls them. I’m not worried actually.”
Ayon kay Compton, buo ang kanyang tiwala sa Alaska owner na si Wilfred Uytengsu na kung sisibakin na siya mula sa puwesto ay siguradong kakausapin siya nito nang personal.
Matatandaan kasing nitong nakaraang linggo ay lumutang ang ugong- ugong na nakatakda nang palitan ni deputy coach Jeff Cariaso si Compton bilang chief tactician ng Aces.
Ito ay bunsod ng patuloy na pagkatuyot ng Alaska sa titulo sa limang taon buhat nang humalili si Compton kay Luigi Trillo noong 2014.
Sa ilalim ni Compton ay may 0-5 karta na sa Finals ang Aces kabilang na ang pinakabagong 2-4 Finals series defeat nito kontra Magnolia sa katatapos lamang na 2018 PBA Governors’ Cup nitong Disyembre.
Ang naturang usap-usapan na pagpalit ng mentor sa Alaska camp ay pinabulaanan din agad ni Uytengsu sa pagsabing si Compton pa rin ang kanilang head coach.