Gaballo mapapalaban kay Nakamura sa ESPN5 Boxing
MANILA, Philippines — Masisilayan ang matinding aksiyon tampok ang ilang matitikas na Pinoy boxers sa ESPN Boxing na lalarga sa Pebrero 9 sa Midas Hotel and Casino na magkatuwang na itataguyod ng ESPN5 at Sanman Promotions.
Susuntok si interim World Boxing Association bantamweight champion Reymart ‘Assassin’ Gaballo laban kay Japanese prospect Yuya Nakamura kung saan nais ng Pinoy pug na mapanatiling malinis ang kanyang rekord.
Armado si Gaballo ng matikas na 20-0-0 marka tampok ang 17 knockouts habang dala naman ni Nakamura ang 9-2-1 kabilang ang pitong KOs.
“Gaballo is hardworking and no doubt he is in line to be the Philippines’ next world champion,” ani Sanman Promotions CEO Jim Claude Manangquil.
Inaabangan na rin ang laban nina Romero ‘Ruthless’ Duno (18-1-0, 14KOs) at Indian Kuldeep Dhanda (7-1-0, 1KO) na paglalabanan ang World Boxing Association Asian lightweight title gayundin ang duwelo nina Dave ‘Dobermann’ Apolinario (9-0-0, 6KOs) at Ramshane Sarguilla.
Bubuksan ang venue ng alas-5 ng hapon kung saan libre ang tiket sa mga nais manood ng live show habang mapapanood din ng live ang nasabing laban sa TV5 at sa livestream sa ESPN5.com simula alas-7:30 ng gabi.
“This is more than the search for the next worldwide boxing icon. We have different boxing stables around the country producing top talent that can go up against the best in the world,” sambit ni TV5 President Chot Reyes.
Muling lalarga ang salpukan sa Pebrero 16 sa SM North Skydome kung saan itataguyod naman ng ESPN5 at Gerrypens Promotions ang banggaan nina Dave ‘Hunter’ Peñalosa (14-0-0, 10KOs) at Mexican Marcos Cardenas (19-6-1, 15KOs) para sa World Boxing Organization Oriental 126-lb belt.
- Latest