Lady Altas, Lady Chiefs unahang dumikit sa titulo
Laro Ngayon (The Arena)
2pm Perpetual vs
St. Benilde (M)
4pm Perpetual vs AU (W)
MANILA, Philippines — Asahan ang pukpukang labanan sa pagitan ng reigning champion Arellano University at University of Perpetual Help System Dalta sa Game 1 ng NCAA Season 94 women’s volleyball tournament best-of-three championship series ngayong hapon sa The Arena sa San Juan City.
Nakatakda ang engkuwentro ng Lady Chiefs at Lady Altas alas-4 ng hapon.
Mapapalaban ng husto ang Arellano dahil mataas ang moral ng Perpetual Help na siyang nagpatalsik sa top seed College of Saint Benilde sa pamamagitan ng impresibong 2-0 panalo sa semis.
Winasak ng Lady Altas ang twice-to-beat card ng Lady Blazers nang itarak ang 25-23, 25-21, 20-25, 25-23 panalo sa kanilang unang paghaharap kasunod ang 25-17, 27-29, 19-25, 26-24, 16-14 come-from-behind win sa rubber match para masikwat ang huling tiket sa finals.
Sesentro ang opensa ng Lady Altas kay outside hitter Cindy Imbo na humataw ng 32 puntos kabilang ang game-winning ace sa do-or-die game kontra sa Lady Blazers.
Posibleng maging starter na rin si Hannah Suico na siyang gumawa ng mga krusyal na puntos sa kanilang huling laro.
Kailangan ding tumulong nina Jenny Gaviola, Jhoana Rosal, Jowie Albert Verzosa, setter Necelle Gual at team captain Bianca Tripoli para pigilan ang Lady Chiefs.
Sa iba pang Finals match, maghaharap ang Perpetual Help at St. Benilde sa alas-2 ng hapon sa men’s division habang sasagupa ang Altalletes sa Colegio de San Juan de Letran sa juniors sa alas-11:30 ng umaga.