Pacquiao ‘di interesado sa rematch kay Horn

MANILA, Philippines — Hindi interesado si reigning World Boxing Association (WBA) welterweight champion Manny Pacquiao na muling makaharap sa isang rematch si Australian fighter Jeff Horn.
Nagparamdam ang kampo ni Horn na nais nitong muling makalaban si Pacquiao na galing sa matikas na unanimous decision win kay Adrien Broner noong nakaraang linggo.
Ngunit agad itong inisnab ni Pacquiao.
“Nung natalo niya ako, humihingi ako ng rematch pero hindi sila nakipag-rematch. Nung nanalo ako tapos natalo sila, saka sila makikipag-rematch?,” ani Pacquiao.
Magugunitang tinalo ni Horn si Pacquiao via unanimous decision noong 2017 sa labang ginanap sa Brisbane, Australia kung saan naagaw ng Australian pug ang World Boxing Organization welterweight title sa Pinoy champion.
Subalit sa halip na labanan si Pacquiao sa isang rematch, hinarap ni Horn si Gary Corcoran ng Great Britain noong Disyembre 12, 2017 sa labang ginanap sa Australia.
Matagumpay na naipagtanggol ni Horn ang WBO belt via 11th-round technical knockout.
Ngunit sa kanyang ikalawang pagdepensa ng titulo, lumasap si Horn ng ninth-round technical knockout laban kay American boxer Terence Crawford noong Hunyo 9, 2018 sa MGM Grand Garden Arena sa Las Vegas, Nevada.
Muling nagbalik sa ring si Horn noong Nobyembre 30, 2018 kung saan tinalo nito ang hindi sikat na si Anthony Mundine via first-round knockout sa bakbakang idinaos sa Brisbane.
Sa kabilang banda, nagbalik ang ningning sa pangalan ni Pacquiao nang matikas nitong pabagsakin via seventh-round knockout si Lucas Matthysse noong nakaraang taon sa Kuala Lumpur, Malaysia.
Sinundan pa ito ng magandang panalo laban kay Broner.
- Latest