Lady Altas balik sa finals vs Lady Chiefs
Laro sa Biyernes (The Arena)
4pm AU vs UPHSD (W)
MANILA, Philippines —Matikas na pinataob ng University of Perpetual Help System Dalta ang top seed College of Saint Benilde sa bisa ng 25-17, 27-29, 19-25, 26-24, 16-14 upset win para hablutin ang huling silya sa finals ng NCAA Season 94 women’s volleyball tournament kahapon sa The Arena sa San Juan City.
Kumuha ng lakas ang Lady Altas kay wing spiker Cindy Imbo na bumanat ng impresibong 32 puntos mula sa 29 attacks, dalawang aces at isang block para buhatin ang kanilang koponan sa finals.
Lalarga ang Perpetual Help sa best-of-three finals laban sa nagdedepensang Arellano University na pinabagsak ang San Beda University sa hiwalay na semis game.
Magsisimula ang serye bukas sa parehong venue.
Naulit ng Lady Altas ang 25-23, 25-21, 20-25, 25-23 panalo nito sa twice-to-beat holders Lady Blazers noong Martes.
Matapos ang matinding gitgitan sa unang tatlong sets, inilabas ng Lady Blazers ang pinakamalakas na pasabog nito sa fourth set nang itarak ang 15-4 bomba na tinuldukan ng ace ni Klarisa Abriam.
Ngunit unti-unting rumesbak ang Lady Altas sa likod nina Imbo at Hannah Suico na gumawa ng importanteng mga puntos sa service area at attack line para makabalik sa porma at maipuwersa ang deciding fifth set.
Higit pang nag-alab ang Perpetual Help sa fifth set tampok ang matatalim na atake nina Suico at Imbo kasama ang game-winning ace para makabalik ang kanilang tropa sa finals.
Sa men’s division, mabilis na napasuko ng Benilde ang Emilio Aguinaldo College, 25-18, 25-23, 25-20 upang umabante sa finals.
Nagtala si Vince Abrot ng 12 puntos para sa Blazers.
- Latest