MANILA, Philippines — Magtutuos ang College of Saint Benilde at University of Perpetual Help System Dalta sa rubber match para sa huling tiket sa finals ng NCAA Season 94 women’s volleyball tournament.
Nakatakda ang engkuwentro ng Lady Blazers at Lady Altas sa alas-4 ng hapon sa The Arena sa San Juan City kung saan asahan ang mainit na salpukan dahil parehong magbubuhos ng buong puwersa ang dalawang tropa para sa finals slot.
Tinanggal ng Lady Altas ang twice-to-beat ng Lady Blazers matapos iselyo ang 25-23, 25-21, 20-25, 25-23 panalo noong Martes.
Maganda naman ang opensa at depensa ng Lady Blazers nang magtala ito ng 43 attacks at 14 blocks sa naturang laro.
Ngunit kailangang tutukan ng Benilde ang errors nito matapos magbigay ng 31 libreng puntos sa Perpetual Help mula sa kanilang mintis.
Patatatagin din ng Lady Blazers ang reception nito para maiwasang makagawa ng aces ang Lady Altas.
Isa ang services sa naging armas ng Perpetual Help nang matarak ito ng 12 aces.
Sasandalan ng Benilde si Rachel Anne Austero na may all-around game sa kanilang huling laro nang kumana ito ng 11 attacks, anim na blocks at isang ace gayundin si Marites Pablo na nakalikom naman ng 12 hits, 24 excellent digs at 10 receptions.
Sa kabilang banda, ibabandera ng Lady Altas sina Cindy Imbo, Jenny Gaviola at Jhoana Rosal na may pinagsama-samang 45 puntos sa kanilang huling laro.
Ang magwawagi sa Benilde-Perpetual Help ang uusad sa best-of-three championship showdown laban sa nagdedepensang Arellano University na una nang umabante matapos walisin ang San Beda University sa hiwalay na semis game.
Target ng Lady Altas na makabalik sa finals matapos magkampeon noong 2014.
Huling pumasok sa finals ang Lady Blazers noong Season 91 nang dalhin ni dating head coach Macky Cariño (kasalukuyang mentor ng Perpetual Help) ang Benilde sa kauna-unahang kampeonato.