Mojdeh, Dula sumira ng record

Nagpasiklab si Micaela Jasmine Mojdeh upang wasakin ang national junior record sa girls’ 12-year 100m butterfly sa PSL National Series sa Vermosa Sports Hub sa Imus, Cavite.
(Kuha ni Chris Co)

MANILA, Philippines — Muling bumasag ng bagong Philippine national junior record si Micaela Jasmine Mojdeh sa 152nd Philippine Swimming League (PSL) National Series – ABC Swim Challenge sa Vermosa Sports Hub sa Imus, Cavite.

Inilabas ng reigning Palarong Pambansa most be­me­dalled athlete ang tikas sa girls’ 12-year 100m butterfly kung saan nagtala siya ng isang minuto at 4.71 segundo para wasakin ang 1:05.10 na kanya ring nairehistro sa SICC Swimming Championship sa Singapore.

“It’s really my goal to break records in each competition that I’m joining but I was surprised that I broke that na­tional record again. It only shows that the program gi­ven to me by coach Susan Papa is working and I’ll be forever grateful to her. I want to dedicate this to coach Su­san (Papa),” wika ni Mojdeh.

Nagtala rin si Mojdeh ng bagong meet records sa 200m butterfly (2:22.55) at 200m breaststroke (2:52.70).

Nagparamdam din ng lakas si Male Swimmer of the Year Mac Bryan Dula ng Masville Elementary School matapos kumana ng tatlong bagong rekord.

Unang umariba si Dula sa 100m backstroke nang magsumite ng 1:11.41 sa boys’ 11-years old class para burahin ang 1:15.16 ni Seth Isaak Martin noong 2013.

Muling humirit ng rekord si Dula sa 200m backstroke sa bilis na 2:37.00 at sa 200m individual medley sa impresibong 2:38.47 segundo.

“We are so proud of these young swimmers who broke records in their respective events. These kids are products of our grassroots development program and we’re happy to see them grow,” wika ni PSL president Su­san Papa.  

Show comments