MANILA, Philippines — Dumating na sa bansa si dating Los Angeles Lakers star Lamar Odom upang makasama ang buong koponan ng Mighty Sports na sasabak sa 30th Dubai International Basketball Championship na lalarga mula Pebrero 1 hanggang 9 sa Dubai, United Arab Emirates.
Si Odom ang isa sa tatlong imports na kinuha ng Mighty Sports para palakasin ang kampanya nito sa naturang Dubai meet.
Maliban kay Odom, isasabak din ng Mighty Sports sina Ginebra resident import Justin Brownlee at American Randolf Morris na nalaro para sa Beijing Ducks sa Chinese Basketball Association.
Bahagi si Odom ng LA Lakers na nagkampeon noong 2009 at 2010.
Kasama rin si Odom ng US Dream Team sa 2004 Olympics at sa 2010 FIBA World Championship.
Sasabak din sa torneo ang United Arab Emirates national team, Al Zamalek-Egypt, Beirut-Lebanon, Homenetmen-Lebanon, Champville-Lebanon, Al Ittihad-Egypt, Al Riyado-Lebanon, Sala-Morocco at Coastal Star-Tunisia.
Ito ang ikalawang pagkakataon na lalahok ang Mighty Sports sa Dubai International Basketball Championship.