MANILA, Philippines — Buo na ang semis cast ng NCAA Season 94 women’s volleyball tournament.
Kaya naman mas madugong bakbakan ang inaasahang masisilayan sa paglarga ng Final Four sa Martes sa The Arena sa San Juan City.
Bumabandera ang College of Saint Benilde kasunod ang reigning champion Arellano University at last year’s runner-up San Beda University na may magkakatulad na 8-1 baraha.
Nahablot naman ng University of Perpetual Help System Dalta ang ikaapat na puwesto tangan ang 6-3 marka.
Sa apat na semifinalists, ang Lady Altas ang may pinakamatinding pagdaraanan upang makuha ang kampeonato dahil tinalo sila ng tatlong koponang kasama nila sa Final Four.
Ngunit hindi basta-basta isusuko ng Perpetual Help ang laban. Mataas ang moral ng Lady Altas dahil galing ito sa panalo.
Pinatumba ng Perpetual Help ang Jose Rizal University para masikwat ang huling silya sa semis.
“Papasok kami sa semis na mataas ang morale namin. Kailangan lang namin ng tamang preparation para sa semis,” ani Perpetual Help head coach Macky Cariño.
Makakasagupa ng Perpetual Help sa semis ang Benilde na armado ng twice-to-beat advantage habang magtutuos naman sa hiwalay na semis game ang San Beda at Arellano na mayroon ding semis incentive.