Cool lang si Pacman

Nagtitigan sina Manny Pacquiao at Adrien Broner sa huling press conference para sa kanilang laban.

LAS VEGAS – Taliwas sa kabastusang ipinakita ni American challenger Adrien Broner ay naging mahinahon at magalang naman si Filipino world welterweight champion Manny Pacquiao sa huli nilang press conference.

Sa podium ay pinasalamatan ni Pacquiao ang mga dumalo at sinabing natutuwa siyang muling lumaban sa venue kung saan niya ginawa ang pinakamagaganda niyang laban.

Tinapos ni Pacquiao ang kanyang talumpati sa pamamagitan ng isang bible verse.

Bago naman magsalita si Pacquiao ay naging magaspang ang pakikitungo ni Broner sa 68-anyos na boxing analyst na si Al Bernstein na sinabing sinisiraan siya sa social media.

Umakyat si Bernstein sa stage para pamahalaan ang Q&A nina Pacquiao at Broner kasama ang mga miyembro ng boxing media. Ngunit nang tatanungin ni Bernstein si Broner ay hindi siya pinatapos sa pagsasalita ng tubong Cincinnati.

“I ain’t even going to lie to you, I don’t (expletive) with you, bro,” sabi ni Broner kay Bernstein . “You talk too much (expletive) about me on Twitter. I’m just being real, bro. I already feel like you’re against me.”

Sa pagtatapos ng press conference ay nagsama sina Pacquiao at Broner sa centerstage para sa isang face-off.  Ngunit sa kanilang pag­ha­handa para sa isang pormahan ay napansin ni Broner ang mga rah-rah boys ni Pacquiao na inookupahan ang front row.

“I got a cat for you for dinner and I got some sautéed German Shepherd for you in the back,” pagturo ni Broner sa mga alagad ni Manny.

Hindi man lamang kinamayan ni Broner si Pacquiao matapos ang press conference.

Show comments