Stalzer papalo sa F2 Logistics

Sabik na si Stalzer na muling tumuntong sa Pilipinas dahil sa magagandang memoryang naiwan nito sa bansa.

MANILA, Philippines — Muling masisilayan sa aksyon si reigning Philippine Superliga Grand Prix Most Valuable Player Lindsay Stalzer.

Subalit ibang jersey na ang susuotin nito matapos itong kunin ng dating Grand Prix champion F2 Logistics.

Sabik na si Stalzer na muling tumuntong sa Pilipinas dahil sa magagandang memoryang naiwan nito sa bansa.

“I’m super pleased to announce that I’ll be returning to the land of 7,000+ islands next month! A.k.a. the Philippines, my second home,” wika ni Stalzer.

Tinulungan ni Stalzer ang Petron na mabawi ang Grand Prix title noong nakaraang taon nang talunin ng Blaze Spikers ang Cargo Movers sa finals.

Ngunit sa pagkakataong ito, masisilayan si Stalzer suot ang yellow jersey.

“My last time suiting up for this team I had an incredible experience at the World Club Championships in 2016. Now I’ll be playing for F2 Logistics in the PSL Grand Prix this spring. Looking forward to wearing a yellow jersey once again,” ani Stalzer.

Ito ang ikaanim na pagkakataon na lalaro si Stalzer sa Pilipinas.

Una itong naging import ng Cignal noong 2014 bago naging bahagi ng Foton Tornadoes noong 2015 at 2016.

Kinuha ito ng Petron noong 2017 at 2018 bago lumipat sa F2 Logistics sa season na ito.

Bahagi rin si Stalzer ng PSL Selection na sumabak sa prestihiyosong FIVB Women’s Club World Championship sa Manila.

Kasalukuyang naglalaro si Stalzer sa Indonesia Women’s Proliga sa Jakarta kung saan bahagi ito ng Jakarta BNI46.

Show comments