14-man pool inilahad para sa Asian Qualifiers

Andray Blatche, June Mar Fajardo, Jayson Castro at Christian Standhardinger

Paghahandaan ang Qatar at Kazakhstan sa Final Window

MANILA, Philippines — Opisyal nang inilahad ng Samahang Basketbol ng Pilipinas ang 14-man pool ng Team Pilipinas para sa sixth at final window ng 2019 FIBA World Cup Asian Qualifiers.

Ang national team pool ay binubuo nina naturalized player Andray Blatche, five-time PBA Most Valuable Pla­yer June Mar Fajardo, Jayson Castro, Mark Barroca, Paul Lee, Scottie Thompson, Marcio Lassiter, Gabe Norwood, Troy Rosario, Japeth Aguilar, Poy Erram, Raymond Al­mazan, Roger Pogoy at Christian Standhardinger.

Ang 6-foot-8 na Fil-German na si Standhardinger ay hinirang na back-up naturalized, habang posible namang hindi makalaro si Rosario dahil sa pagsailalim sa surgery matapos mabasagan ng ilong sa tune-up game ng TNT Katropa laban sa NLEX.

Sina Blatche, Pogoy, Barroca at Almazan ang bagong idinagdag ni national coach Yeng Guiao sa pool.

Papangalanan ni Guiao ang kanyang Final 12 bago la­banan ang Qatar sa Pebrero 21 at Kazakhstan sa Peb­rero 24 sa kanilang dalawang ‘away games’.

Naniniwala si SBP president Al Panlilio na malakas ang tsansa ng Team Pilipinas na makapagbulsa ng tiket para sa 2019 FIBA World Cup na gagawin sa China.

“We are also happy to announce that Andray Blatche has committed to help our drive to qualify for the FIBA World Cup in China,” pahayag ni Panlilio sa NBA veteran na inaasahang darating sa bansa sa unang linggo ng Pebrero.

Magsisimula naman ang ensayo ng national team sa Enero 21 at sa ikalawang linggo ng Pebrero ay bibiyahe sila sa Middle East para sa ilang serye ng tune-up matches bago sumabak sa Asian Qualifiers.

Yumukod ang Team Pilipinas laban sa Kazakhstan, 88-92, at Iran, 70-78, sa kanilang dalawang home games noong Disyembre.

Sa nasabing mga kabiguan ay hindi kinuha ni Guiao ang serbisyo ni Blatche at sa halip ay ginamit sina Standhardinger at NorthPort point guard Stanley Pringle bilang naturalized players.

Dahil dito ay nalaglag ang baraha ng Pilipinas sa 5-5 sa Group F sa ilalim ng Australia (9-1), Iran (7-3) at Japan (6-4).

“We are requesting all the Filipino basketball fans to continue supporting our national team, coach Yeng and his staff and the SBP,” ani Panlilio.

Show comments